Madalas na tanong ng mga bagong business owners, “Totoo ba na pag may DTI permit, masisilip agad ako ng BIR?” Upang bigyang linaw, atin pong talakayin ang isang kwento mula sa Davao na maaaring magbigay aral sa bawat isa.
Isang araw, isang business owner ng ukay-ukay ang nagulat nang makatanggap siya ng sulat mula sa BIR. Nagtaka siya dahil sa DTI lamang siya nakapagparehistro at hindi sa BIR. Ang sulat: isang babala ng penalidad dahil sa hindi rehistradong negosyo sa BIR— isang sitwasyong nagdala sa kanya ng takot at panginginig. Nakasaad sa sulat na ang hindi pag-ayos sa isyung ito ay maaaring humantong sa mas seryosong legal na aksyon, kabilang ang posibilidad ng pagkakakulong.
Read more about Tax Evasion here.
Ang kwentong ito ay nagpapakita ng mahalagang aral: Hindi sapat ang DTI registration lamang. Ayon sa DTI, mahalaga ang pagrerehistro ng iyong negosyo upang magkaroon ito ng legal na pagkakakilanlan at eksklusibong karapatan sa iyong business name. Nagbibigay ang DTI ng opsyon para sa reservation ng trade name sa antas munisipal, rehiyonal, o pambansa, na may bisa ng limang taon at maaaring i-renew.
Ngunit, ang pagkakaroon ng legal na rehistro sa DTI ay nangangahulugan din na ang iyong negosyo ay nasa radar na hindi lamang ng isang ahensya ng gobyerno kundi pati na rin ng iba pa, tulad ng BIR. Bagamat hindi malinaw kung paano nagbabahagi ng data ang iba’t ibang ahensya, makakapag-assume tayo na sa paglipas ng panahon, maaari kang makatanggap ng abiso mula sa ibang opisina ng gobyerno kung mayroon kang hindi naisumite o nairehistro.
Paano Iiwasan ang Ganitong Sitwasyon?
Ang pinakamainam na gawin ay siguruhing kumpleto ang iyong pagrerehistro. Pagkatapos magparehistro sa DTI, agad ding magparehistro sa LGU at BIR sa loob ng buwan para makaiwas sa anumang penalidad. Ito ang pinakaseguradong paraan upang maprotektahan ang iyong negosyo mula sa hindi inaasahang surpresa mula sa BIR o iba pang ahensya ng gobyerno.
Tandaan: Lamang ang Mautax!
Sa huli, ang pagiging maingat at sigurado sa pagrerehistro ng iyong negosyo sa DTI, LGU, at BIR ay hindi lamang tungkol sa pagsunod sa batas. Ito rin ay tungkol sa pagprotekta sa iyong negosyo at sa iyong sarili mula sa mga potensyal na problema sa hinaharap. “Masisilip ba ako ng BIR?” Oo, posible, kaya’t mas mabuti nang maging handa at siguraduhin na ang iyong negosyo ay nakarehistro sa lahat ng kaukulang ahensya ng gobyerno.